Radio commentator todas sa tandem
MANILA, Philippines — Hindi na umabot ng buhay sa ospital ang isang radio brodkaster matapos pagbabarilin ng riding-in-tandem kahapon ng madaling araw sa Brgy. Sta. Isabel, Calapan City, Oriental Mindoro.
Kinilala ang nasawing biktima na si Cresenciano Bunduquin, 50, residente ng Barangay Canubing II at radio commentator ng DWXR 101.7 Kalahi FM MUX online radio.
Lumalabas sa imbestigasyon ng pulisya, alas-4:20 ng madaling araw ay nasa harap ng isang tindahan ang biktima nang dumating ang motorsiklo lulan ang dalawang lalaki.
Bumaba ang angkas at kinausap ang biktima at walang kaabug-abog na pinagbabaril ito habang ang isang suspek ay nagsilbing lookout na siyang nagmaneho ng motorsiklo na may plakang DD22153 sa pagtakas.
Dinala sa ospital ang biktima, subalit idineklarang dead on arrival dahil sa mga tama ng bala sa katawan.
Mabilis na tumakas ang mga suspek, subalit hinabol sila ng anak ng biktima at sinalpok ang sinasakyan ng mga ito na kung saan nalaglag ang isang suspek na nakilalang si Narciso Ignacio Guntan at nabagok ang ulo sa semento na naging dahilan ng kamatayan nito.
Ang kasamang suspek ay agad tumayo at tumakas sakay ng nasabing motorsiklo. Bumuo na ang pulisya ng Special Investigation Task Group (SITG) para magsagawa ng malalim na imbestigasyon sa motibo ng pagpatay kay Bunduquin kabilang ang personal at trabaho nito bilang online reporter. — Doris Franche-Borja
- Latest