Fuel smuggling sa private port sa Batangas, nasabat ng BOC
MANILA, Philippines — Isang private port sa Batangas na may mga nakadaong na mga unmarked fuel na natuklasang mayroong deficient fuel marker level, na indikasyon na hindi dumaan sa tamang proseso ng importasyon at hindi nagbayad ng kaukulang duties at buwis sa gobyerno ang nasabat sa operasyon ng Bureau of Customs (BOC).
Ang operasyon ay bahagi nang pinaigting na pagsusumikap ng BOC upang sugpuin ang fuel smuggling na isinagawa kahapon ng umaga nang makatanggap ang Field Office sa Port of Batangas ng derogatory information mula sa Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS) hinggil sa posibleng presensiya ng unmarked fuel sa crude oil tanker na VOI MT Harmony Star.
Sa tulong ng Philippine Coast Guard (PCG)-Sub Station Mabini, natukoy ng mga operatiba ng BOC ang kinaroroonan ng naturang barko sa bisinidad ng Brgy. Mainaga sa Mabini, Batangas.
Tumuloy ang grupo sa isang pribadong daungan kung saan nila nadiskubre ang dalawang nakaparadang trak na nagkakarga ng langis sa barko na may 30 metro ang layo mula sa shoreline.
Ang inisyal na pagsusuri sa isa sa mga trak ay nagresulta sa .02 percentage fuel marker, isang inert chemical na idinadagdag sa fuel matapos ang pagbabayad ng duties at taxes.
Ang nakitang deficient fuel marker level ay nagkumpirma naman na ang langis ay hindi dumaan sa tamang paraan ng importasyon.
Pinuri ni Customs Commissioner Yogi Filemon Ruiz ang kanyang grupo at pakikipag-koordinasyon sa PCG, na nagresulta sa pagkakasabat sa naturang unmarked fuel, ngunit nagpahayag ng pagkadismaya dahil sa nagpapatuloy na fuel smuggling sa bansa.
“The agency is no stranger to any attempts by big or small companies to bring in smuggled fuel into the country. Our campaign against the smuggling of fuel has been ongoing despite the spotlight being shown more on what we do regarding agricultural smuggling,” ayon naman kay CIIS Director Jeoffrey Tacio.
- Latest