Marcos Jr., pinalawig ang mababang tariff rates sa agricultural products

MANILA, Philippines — Muling pinalawig ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ang pagbabawas sa tariff rates sa mga agricultural products hanggang sa katapusan ng 2023 matapos na i-endorso ng National Economic and Development Authority (NEDA).

Sa Executive Order 171 na nilagdaan ni Marcos, layon nito na manatili hanggang Disyembre 31,2023 ang mababang tariff rates na nakatakda sanang ma-expire sa Dis­yembre 31,2022 na ­inisyu ni dating Pangulong Duterte.

Dahil sa nilagdaang extension kaya ang mga inimport na baboy ma­ging fresh, chilled o frozen ay mayroong 15% na buwis para sa in-quota at 25% para sa out-quota, mais na may 5% para sa in-quota at 15% para sa out-quota at sa bigas na 35%.

Sinabi ni Socioeconomic Planning Secretary Arsenio Balisacan na layon ng pagpapalawig ay para magbigay kalugawan sa mga vulnerable sectors na tinamaan ng high inflation rates.

Ang rekomendasyon ng Board’s Committee on Tariff and Related Matters ay inaprubahan noong Biyernes sa ginanap na NEDA Board meeting na pinangunahan ni Pangulong Marcos na siyang chairman ng board.

Base sa rekomendasyon ng board, ang mga binawasang taripa sa baboy, mais at bigay ay muling ibabalik sa kanilang orihinal na halaga matapos ang Disyembre 31,2023.

Umaasa naman  si Balisacan na magiging paborable sa susunod na taon ang kondisyon ng ekonomiya ng bansa dahil na rin sa pagbubukas ng ekonomiya ng China, pagbaba sa  pandaigdigang presyo ng langis.

Show comments