P1 milyon reward sa magsusuplong sa Boac camping killer-rapist

MANILA, Philippines — Isang milyong pisong pabuya ang alok ni Senador Raffy Tulfo sa sinumang makakapagturo sa ikadadakip ng suspek sa pagpaslang at panggagahasa sa magkasintahan na nag-camping sa Boac, Marinduque kamakailan.

Matinding kinondena ni Tulfo ang pagpaslang sa 21-anyos na lalaki at panggagahasa sa kanyang 17-anyos na nobya.

“Walang konsensya ang gumawa ng ganitong karumal-dumal at kalunus-lunos na krimen. Kaya ako po ay magbibigay ng P1 milyong pabuya, totoo po ito, sa ikadarakip ng suspek, basta’t sigurado ako na talagang ang may sala ang madarakip at mapananagot,” wika ni Tulfo.

Magugunita na nangyari ang pag-atake dakong alas-2 ng madaling araw noong Biyernes sa Barangay Ihatub.

Ayon sa hindi pinangalanganang dalaga na pumasok ang suspek sa loob ng kanilang tent at saka sinaksak ang kanyang nobyo.

Tumakas ang dalaga ngunit hinabol ng suspek at nang maabutan ay ginahasa ito at pagkatapos ay sinaksak at kinuha ang kanilang pera at cellphone.- Doris Franche

 

Show comments