MRT, PNR umatras estudyante sa LRT-2 lang may libreng sakay
MANILA, Philippines — Binago ng Department of Transportation (DOTr) ang kanilang programang magkakaloob ng libreng train rides sa mga estudyanteng magbabalik-eskuwela na simula sa Agosto.
Ayon kay DOTr Undersecretary Cesar Chavez, tanging ang Light Rail Transit Line 2 (LRT-2) na lamang ang magbibigay ng libreng sakay sa mga estudyante simula Agosto 22 hanggang Nobyembre 4, 2022.
Sinabi ni Chavez na mas maraming estudyanteng sumasakay sa LRT 2, na siyang dumadaan sa university belt area sa Maynila, kumpara sa Metro Rail Transit Line-3 (MRT-3) at sa Philippine National Railways (PNR).
Matatandaang una nang inianunsiyo ni Pang. Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na isusubsidiya ng pamahalaan ang pamasahe sa LRT-2 ng mga estudyanteng patungo sa university belt.
Sinabi na rin naman ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na ititigil na nila ang pagbibigay ng libreng sakay dahil sa kakulangan ng pondo.
Inihayag na rin naman ni DOTr Secretary Jaime Bautista na kakailanganin nila ng karagdagang P1.4 bilyong pondo upang maipagpatuloy ang pagkakaloob ng libreng sakay para sa mga Pinoy commuters.
- Latest