Kahit dumarami ang COVID-19 cases alert levels sa bansa, ‘di itataas — OCTA

MANILA, Philippines — Bagama’t tumataas ang COVID-19 cases sa bansa, inihayag kahapon ng OCTA Research Group na wala sila nakikitang posibleng pagtaas ng mga antas ng alerto o pagpapataw ng mga lockdown.

“Cases are rising, the positivity rate is increa­sing… But the healthcare utilization is still remaining low so there’s some positive to this. We’re not foreseeing any lockdown or escalation of alert levels,” ani  OCTA fellow Guido David sa isang panayam sa One News Cignal TV nitong Biyernes ng gabi.

Gayunman, sinabi ni David na kailangan nang mag-ingat at dapat alam ng publiko ang tumataas na mga kaso.

Ani David, may pagtaas ng positivity rates sa National Capital Region (NCR) at siyam na iba pang lalawigan, kabilang ang Cavite, na nagkaroon ng “high” 13.2 percent noong Hunyo 29 mula sa “moderate” na 5.9 percent noong Hunyo 24.

Sa kabila ng mataas na positivity rate, binanggit niya na mayroon lamang 87 bagong kaso ang lala­wigan noong Biyernes.

Samantala, ang NCR ay mayroong 592 na kaso mula sa 1,243 na naitala sa buong bansa nitong Biyernes.

Sinabi ni David na ito ay nasa loob ng mga naunang projection na ginawa niya.

Show comments