3 driver na positibo sa droga, inaresto ng LTO

MANILA, Philippines — Tatlong driver na nagmamaneho ang inaresto ng pamunuan ng Land Transportation Office (LTO) matapos na magpositibo sa paggamit ng ipinagbabawal na gamot sa isinagawang Oplan Ligtas Kalsada Kontra Droga sa San Fernando, Pampanga.

Ito ang inihayag ni Atty. Clarence Guinto, Acting Director ng Law Enforcement Service (LES) at Regional Director ng LTO-NCR- West.

Ayon sa opisyal, nagtungo ang mga tauhan ng LES sa San Fernando Police Station sa Pampanga upang tulungan ang mga kasamahan sa LTO-Region 3 sa  pagsasampa ng kaukulang reklamo laban sa tatlong driver na hind na pinangalanan.

Nabatid na ang tatlo ay kasama sa 33 driver na sumailalim sa biglaang drug test sa isinagawang operasyon ng pinagsanib na pwersa ng LTO, PNP at DPWH sa southbound lane ng NLEX nitong March 4, 2021 kaugnay na rin ng pagpapatupad ng RA 10586 o Anti-Drunk and Drugged Driving Act.

Ayon kay Atty. Guinto, ang operasyon ay patunay lamang na sa gitna ng pandemya, patuloy ang pagbabantay ng mga kinauukulang upang matiyak na ligtas ang mga biyahero sa kanilang paglalakbay.

Show comments