2 natusta sa nasunog na bus sa Commonwealth

Sa salaysay ng bus driver na si Valentino Obligasion, 45, ng Fairview Bus na may plate number NAL 6673 at body number 1606 na dakong alas-12:57 ng tanghali ay nagkaroon ng mainitang pagtatalo si Sembana at isang lalaking pasahero na nauwi sa suntukan.
STAR/File

MANILA, Philippines — Natusta ang dalawa habang 4 ang nasugatan matapos sumiklab ang sunog sa loob ng isang pampasaherong bus sa kahabaan ng Commonwealth, Quezon City, kahapon ng tanghali.

Kinilala ang nasawing konduktorang si Amelene Sembana at isang hindi pa kilalang lalaki.

Sa salaysay ng bus driver na si Valentino Obligasion, 45, ng Fairview Bus na may plate number NAL 6673 at body number 1606 na dakong alas-12:57 ng tanghali ay nagkaroon ng mainitang pagtatalo si Sembana at isang lalaking pasahero na nauwi sa suntukan.

Nang tatakbo na si Sembana ay binuhusan siya ng lalaki ng hinihinalang gaas na nakalagay sa isang maliit na bote na naging sanhi ng pagliyab.

Binuksan ng driver ang pinto nang mangyari ang sunog at dito ay nagtalunan ang iba pang pasahero. Idineklara ang fire out ala-1:20 ng hapon.

Hindi kaagad tinukoy ng mga imbestigador ang hindi pa nakikilalang bangkay na kaaway ng konduktora.

Mayroong fire extinguisher ang bus ngunit hindi kinayang apulahin ang sunog.

Ayon kay Jhoanna May Ervera, isang testigo, mabilis na lumaki ang apoy dahil sa dami ng plastic barrier. — Doris Franche

Show comments