May-ari ng ilang food chain stores napipisil ni Duterte bilang next Philhealth chief

Ayon kay Presidential Panelo, ang napipisil ni Pangulong Duterte na ipalit ay si Dr. Jaime T. Cruz.
File

MANILA, Philippines — Inihayag ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na mayroon nang napipisil si Pangulong Rodrigo Duterte para pamunuan ang Philippine Health Insurance Corporation (Philhealth).

Ayon kay Presidential Panelo, ang napipisil ni Pangulong Duterte na ipalit ay si Dr. Jaime T. Cruz.

Kinumpirma rin ni Senator-elect Christopher ‘Bong’ Go sa Palace reporters na ang gustong ilagay ng Pangulo sa Philhealth ay si Dr. Jaime Cruz, subalit wala pa itong sagot sa inalok na puwesto.

 Si Dr. Jaime Cruz ay isang medical doctor by profession, subalit president at chief executive officer ng JTC Corporation na nagmamay-ari ng iba’t ibang food chain stores sa Metro Manila at Davao City kabilang ang Jolibee at Red Ribbon.

Una nang sinabi ng Pangulo na ang nais niyang mamuno sa Philhealth ay hindi lamang basta doktor kundi mayroong kaalaman sa financial management.

Tiniyak naman ni Health Secretary Francisco Duque III na hindi maaapektuhan ang operasyon ng PhilHealth sa planong balasahan sa ahensiya.

Dahil unti-unti itong isasagawa at uunahin ang unit na nasasangkot sa katiwalian.

Noong Lunes inatasan niya si PhilHealth president Roy Ferrer at board members nito na magsumite ng kani­lang courtesy resignations bunsod na rin ng kotro­bersiya sa maanomalyang ghost kidney treatments.

Show comments