Sa Quezon City at Malabon… 6 arestado sa drug-ops
MANILA, Philippines — Himas-rehas na ngayon ang anim na drug suspects matapos masakote ng mga otoridad at makumpiskahan ng higit sa P1.7-milyong halaga ng droga sa isinagawang buy-bust operation sa dalawang lungsod sa Metro Manila, kahapon ng madaling araw.
Sa Quezon City, kinilala ang mga nasakoteng suspek na sina Mercia Jamirol, 23; kinakasama nitong si Aldemal Ali, 25; Benhar Leong, 51, at Assad Shafi, 25, pawang taga-Brgy. Culiat.
Batay sa ulat ng Talipapa Police Station 3, dakong alas-2:35 ng madaling araw nang ikasa ang operasyon laban kina Jamirol at Ali, sa tahanan ng mga ito sa 125 Lanao St., Salaam Compound, Brgy. Culiat.
Isang police poseur buyer ang bumili ng P10, 500 halaga ng shabu mula sa kanila at nang mag-positibo, ang transaksyon ay kaagad na silang dinakma, gayundin ang kanilang mga kasabwat na sina Leong at Shafi.
Nakumpiska ng mga pulis mula sa mga suspek ang 164 gramo ng hinihinalang shabu na may estimated street value na P1,115,200, timbangan at P10,500.00 buy-bust money.
Sa lungsod naman ng Malabon, arestado dakong alas-3:00 ng madaling araw ang itinuturong bigtime tulak ng shabu na sina Marlon Solano, alyas “Bumbay”, 32; at Matthew Von Erick Soriano, 24, pawang mga taga-Caloocan City.
Nakumpiska mula sa mga suspek ang nasa 23 pirasong plastic sachet na naglalaman ng shabu, na tinatayang nasa mahigit 100 gramo at nagkakahalaga ng P680,000.00. Ang mga suspek ay pawang nakapiit na at sasampahan ng mga kasong paglabag sa Republic Act 9165 o The Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
- Latest