7 estudyante nasagip sa frat hazing

MANILA, Philippines — Nasagip ng mga otoridad ang 7 estudyanteng menor de edad habang isinasailalim sa initiation rites ng sinalihan nilang fraternity na Krislam group sa isang bahay sa bayan ng Buug, Zamboanga Sibugay, kamakalawa ng hapon.

Ang mga nasagip ay kinilalang sina Leamar Villarta Quimpo, 14; Jeather Tulod Aguilos, 13; John Row Lamoste Puerto, 13; Diomer Gumampong Goc-ong, 12; Reyniel Padila Donsing,14; Argie Ibag Abendano, 15; at Benigno Repaldo 13.

Batay sa ulat, bago nasagip dakong alas-4:00 ng hapon ang mga estudyante sa idinadaos na hazing sa bahay ni Quiram Ampuan na matatagpuan sa Canilang St., ay nakatanggap ng impormasyon ang pulisya hinggil sa idinadaos na hazing sa nasabing bahay.

Kaya mabilis na nagresponde ang mga otoridad sa nasabing lugar at nakita sa akto habang pina-paddle ng mga opisyal ng fraternity  ang mga estudyante.

Mabilis na nakatakas ang mga opisyal na na­ngangasiwa sa hazing at iniwan ang mga biktima na nagi-iyakan sa sakit.

Show comments