Sunog sa Las Piñas: 1 patay, 200 nawalan ng bahay
MANILA, Philippines - Isa ang patay at mahigit daang indibidwal ang nawalan ng tirahan matapos sumiklab ang sunog sa isang residential area sa Brgy. Zapote sa Las Piñas kamakalawa ng gabi.
Ayon kay Fire Chief Insp. Jessie Alumpiano ang nasawi ay kinilalang si Jefferson Tangher, isa sa residente ng Zapote Plaza sa Brgy. Zapote, ng naturang lungsod.
Nabatid na nagawa pang isugod sa pagamutan ang biktima ngunit hindi na siya umabot ng buhay dahil sa tinamong mga paso at “suffocation”.
Sa inisyal na ulat ng Bureau of Fire Protection (BFP), unang sumiklab ang apoy dakong alas-9:23 ng gabi sa isa sa hindi mabatid na bahay.
Kumalat ang apoy sa mga kabahayan hanggang sa umakyat ang alarma sa Task Force Bravo dakong alas-10:00 ng gabi.
Nagawa namang makontrol ng mga bumbero ang apoy upang hindi na kumalat sa malapit na palengke, mga bangko at iba pang establisimiyento sa Zapote Road at nagdeklara ng fire out ang BFP dakong ala-1:08 na ng madaling araw na kung saan ay aabot sa higit P1 milyon ang halaga ng ari-ariang natupok sa insidente.
- Latest