Pribadong motorista makakadaan na sa Camp Aguinaldo
MANILA, Philippines - Ilang gate sa Camp Aguinaldo ang nakatakdang buksan sa mga pribadong motorista upang makatulong sa malalang daloy ng trapiko sa kahabaan ng EDSA, Katipunan Avenue at C5 partikular na ngayong nalalapit na ang Kapaskuhan.
Ayon kay Lt. Col. Enriquito Deocadez, Assistant Chief of Staff for Operations ng General Headquarters and Headquarters Support Command (GHQ&HSC) ang nasabing hakbang ay bilang bahagi ng sakripisyo ng militar para maibsan ang malalang problema sa trapiko.
Nilinaw nito na ang mga pribadong behikulo na nabigyan ng gate pass ang maaaring makadaan sa Camp Aguinaldo kung saan ang mga bubuksan para maging alternatibong ruta ng mga ito ay ang Gate 3, Gate 5 at Gate 6.
Ang hakbang ay bahagi naman ng pagsusumikap ng Inter-Agency Council on Traffict (I-ACT) para maibsan ang malalang problema ng trapiko sa Metro Manila lalo na sa kahabaan ng EDSA, Katipunan at C5.
Bunga naman ng usapin ng seguridad ang mga may-ari ng pribadong behikulo ay kailangang kumuha muna o mag-apply ng access card o gate pass sa Camp Aguinaldo na mag-uumpisa na sa Nobyembre 21 ng taong ito at pagkatapos ay maaari na ang mga itong dumaan sa loob ng punong himpilan ng AFP para sa alternatibong ruta.
Inaasahan namang 200 behikulo ang mababawas sa volume ng mga dumaraang sasakyan sa nasabing mga lugar kada oras.
- Latest