Tandem patay sa police checkpoint
MANILA, Philippines – Dalawang lalaki na sakay ng motorsiklo ang nasawi nang makipagbarilan sa mga pulis na nakatalaga sa checkpoint kamakalawa ng gabi sa Caloocan City.
Walang nakuha na anumang pagkakakilanlan sa dalawang napatay na suspek.
Bago ang insidente dakong alas-11:20 ng gabi ay nakatanggap ang Caloocan City Police ng tawag mula emergency hotline 911 na may insidente pamamaril sa Tanigue St., Dagat-Dagatan.
Rumesponde ang mga tauhan ng Police Community Precinct (PCP)-2 hanggang sa makita ang mga suspect na armado ng baril habang lulan ng isang motorsiklong walang plaka na mabilis ang takbo patungong C-3 Road.
Pagsapit sa panulukan ng Pamasawata at C-3 Road ay bigla na lamang umanong pinaputukan ng mga suspect ang mga pulis na nagsasagawa ng checkpoint kung kaya’t napilitang gumanti ng putok ang mga ito na nagresulta ng pagkasawi ng mga suspek.
Narekober ng mga pulis ang ilang basyo ng bala ng baril, apat na sachet ng pinaniniwalaang shabu, 1 kalibre .38 baril, 1 kalibre .45 baril at ang gamit ng mga nasawi na SYM motorcycle na walang plaka.
- Latest