Jeepney vs tren: 1 patay, 5 sugatan
MANILA, Philippines – Isa ang namatay habang lima naman ang sugatan kabilang ang dalawang na nasa malubhang kalagayan matapos mahagip ng tren ang pampasaherong jeepney sa Pedro Gil, Sta. Ana, Maynila, kamakalawa ng gabi.
Idineklarang patay sa Sta. Ana Hospital ang isang hindi pa kilalang babae na nasa edad 50-60, katamtaman ang pangangatawan na pinaniniwalaang isang teacher dahil sa suot nitong uniporme.
Sa ulat ni SPO2 Mario Lising ng Manila District Traffic Enforcement Unit, nasa Lourdes Hospital ang biktimang si Carilla Gildret, 30, overseas Filipino worker (OFW), ng River City Residences, Sta. Ana, Maynila; habang si Glecy Yai, 41, cashier, ng #139 Waling-Waling Street sa Punta, Sta. Ana, Maynila ay nasa Philippine General Hospital.
Nakauwi na ang tatlo pang sugatan na isinugod sa Sta. Ana Hospital na sina Romeo Gragasin, 57, aircon technician; Paul Vincent Aquilino, 18, estudyante; at si Elizabeth Queen Magat, 19, estudyante.
Nabatid na bandang alas-7 ng gabi nang maganap ang insidente sa panulukan ng Pedro Gil at Quirino Avenue kung saan nasalpok ng tren ng Philippine National Railways ang jeepney (PCV 165) na minamaneho ni Marlon Verdida.
Ilan sa mga nakasaksi sa insidente na naghabol ang driver ng jeepney sa pagbaba ng barrier ng railroad crossing kaya inabot ito ng tren.
Sumalpok na ang jeepney sa isang aluminum delivery van.
- Latest