Magkaibigan niratrat habang nagbibiruan

MANILA, Philippines – Pinagbabaril ng tatlong lalaki na sakay ng isang tricycle ang isang magkaibigan habang ang mga ito ay nagbibiruan sa tapat ng isang bahay kamakalawa ng gabi sa Pasay City.

Namatay habang nilalapatan ng lunas sa Pasay City Ge­neral Hospital (PCGH) ang biktimang si John Cedric Alfaredo, 16-anyos, out-of-school-youth, ng #2511-R Galvez Compound, Aurora St., Barangay-104, dahil sa tama ng bala sa maselang parte ng katawan.

Ang kaibigan nito na ginagamot din sa nasabing ospital ay kinilalang si Gabriel Calvin James Arevalo, 16, estud­yante at residente ng #566-16 De Agosto St.

Batay sa ulat, dakong alas-10:30 ng gabi sa harapan ng Galvez Compound Aurora St., Barangay-104 ay nagbibiruan ang mga ito, nang biglang tapatan sila  ng isang tricycle na, PACTODA,  na may body number 0220 at may plakang PX-6994 sakay ang tatlong suspek at walang kaabog-abog na pagbabarilin.

Malaki ang hinala ng pulisya na kalabang gang ang namaril sa mga biktima.

 

Show comments