Sanggol utas kay tatay

MANILA, Philippines – Isang 1-anyos na batang lalaki ang nasawi nang ito ay saktan ng kanyang ama dahil lang sa pagdidisiplina nito sa Quezon City.

Ang suspek na nakakulong ngayon ay kinilalang si Nazarenio Mendiola, 36, ng 73 Sto. Domingo St., Barangay Holy Spirit sa lungsod matapos mapatay nito ang anak na si Tylor Jerick Mendiola.

Sa ulat, nangyari ang pananakit sa sanggol dakong alas-7:30 ng gabi noong Nob. 28, 2015 sa loob  ng kanilang bahay.

Ayon sa testigong si George Romero, kapitbahay ng suspek ay nakarinig umano ito nang malakas na iyak ng sanggol.

Nang silipin niya sa puwang ng pinto ay nakita niya si Mendiola na sinasaktan ang biktima habang hawak nito ang mga paa at nakapatiwarik na posisyon.

Sa kabila anya ng pagmamakaawa ni Romero sa suspek na tigilan na niya ang pananakit sa anak at lalo itong nagalit at pinagbalingan pa siya nito.

Pagkalipas ng isang araw ay pinakiusapan ng suspek ang isa pang kapitbahay sa kondisyon ng kanyang anak at dito ay nakita ang bata na hindi na gumagalaw habang nakahiga sa isang crib dahilan para buhatin ito at dalhin sa isang klinika bago inilipat sa East Avenue Medical Center kung saan idineklara itong dead on arrival.

Show comments