Bungangera inutas ng ka-live-in

MANILA, Philippines – Napatay ang 25-anyos na babae nang magdilim ang paningin ng kaniyang ka-live-in sa gitna ng kanilang pag-aaway sa Binondo, Maynila kahapon ng madaling araw.

Namatay habang ginagamot sa Justice Jose Abad Santos General Hospital ang biktimang si Anabelle Merin ng Barangay 105,  Zone 8, Happyland sa Tondo, Maynila.

Nasakote naman ang suspek na si Luis Santos Jr., 27, miyembro ng Commando Gang na inabutan ng pulisya habang naglalakad papalayo sa crime scene.

Sa ulat ni SPO3 Milbert Balinggan, dakong alas 12:30 ng madaling araw nang magtalo ang dalawa sa tapat ng pawnshop sa Asuncion Street.

Pinuntahan umano ng biktima ang suspek saka binungangaan kaya inambahan naman ito ng patalim.

Dahil sa kadadaldal ng biktima at binubugbog pa ang suspek kaya nagawa umanong maitarak ang patalim sa dibdib dahil inilalapit ng biktima ang kaniyang katawan at hinahamong ituloy ang pananaksak.

Hindi naman inakala ng suspek na nasaksak niya ang biktima dahil puyat sa pagbi-biyahe ng side car at pagod sa magdamag.

May insidente pa umano na inaway ng biktima ang ina ng suspek at sinapak kaya hindi na umano tumutulong sa kaniyang pamilya ang magulang.

Dalawa ang anak ng suspek sa biktima na nasa pangangalaga ng ina ng babae.

Show comments