College stude grabe sa riot

MANILA, Philippines - Kasalukuyang nakikipaglaban kay kamatayan ang 21-anyos estudyante matapos itong saksakin sa leeg at likod ng nakalabang grupo ng kalalakihan matapos ang masayang reunion ng mga high school classmates habang naglalakad pauwi sa Paco, Maynila, kahapon ng madaling araw.

Ginagamot sa Philippine General Hospital ang biktimang si Michael Planada ng Bo. Sta. Maria, Paco, Maynila na nagtamo ng tama ng saksak sa leeg at dalawa sa likod.

Sa ulat ni PO3 Cristanto Celestial ng Manila Police District- Station 6, dakong alas-2:45 ng madaling araw nang maganap ang krimen sa panulukan ng Pedro Gil at Santiago Street.

Nabatid na papauwi ang biktima kasama ang mga dating kaklase sa high school ay dumaan ang pampasaherong dyipney na may sakay ding grupo ng kalalakihan.

Nagkatinginan at nagsigawan ang mga sakay at ang grupo ng biktima ng walang dahilan sa hinalang pormahan lamang hanggang sa magsibaba ng dyipney ang kabilang grupo na nauwi sa riot.

Nagrambulan ang dalawang grupo hanggang sa may isa sa kalaban ang nanaksak sa biktima.

Hindi naman nakuha ng grupo ng biktima ang plate number ng jeepney na sinakyan ng mga suspek dahil inunang maisugod sa pagamutan ang sugatang stude.

Show comments