Ginang tinodas ng pulis na bayaw

MANILA, Philippines - Namatay noon din ang isang 34-anyos na ginang matapos barilin ng dalawang beses ng kanyang  bayaw na pulis-Maynila kahapon ng umaga sa Sampaloc, Maynila.

Ang nasawi ay kinilalang si Daniella Dela Cerna, kusinera sa Police Community Precinct (PCP)-MPD Station 4. Habang nakakulong na  ang suspek na si PO1 Ronald Balcos, 41, may-asawa, ng no. 835 Geronimo St., Sampaloc na nakatalaga sa MPD-Asuncion PCP.

Batay sa ulat, dakong alas-9:30 ng umaga habang nanonood ang biktima ng  sugal na cara y cruz ay nakita ito ng suspek na noon ay naka-uniporme dahil galing sa court hearing.

Walang kaabog-abog na binaril ng suspek ang biktima na nadaplisan sa mukha kaya’t nagawa pang tumakbo at pumasok sa isang bahay.

Sinundan ito ng suspek at muling  pinaputukan sa mukha na naging dahilan ng kamatayan nito.

Sumurender ang suspek at sinabi na hindi siya ang bumaril sa hipag na taliwas sa mga naging salaysay ng mga testigo.

Ayon sa nakuhang impormasyon mula sa anak ng biktima, matagal nang galit ang suspek sa kanilang nanay dahil pinaghihinalaan ito na siyang nagturo at nagpakulong sa kanilang ama na kapatid ng suspek.-Ludy Bermudo-

Show comments