Babae tumalon sa ilog Pasig

MANILA, Philippines – Bangkay na nang lumutang ang isang hindi pa kilalang babae nang tumalon ito sa ilog Pasig sa likod ng Quinta Market, Quiapo, Maynila, kahapon ng umaga.

Ang biktima ay inilarawan na nasa pagitan ng edad 25-30; maputi, may taas na 5’2” hanggang 5’4”; nakasuot ng maong na pantalon at t-shirt na puti at may tatak na “Boysen”.

Sa salaysay sa pulisya ng isang Ricardo Magcalas, 36, vendor, bandang alas-11:30 ng umaga ay nagtungo siya sa likod ng Quinta Market para tawagin ang isang kaibigan na nagbabasketbol nang mamataan nito ang pagtalon ng babae.

Inakala niyang magsi-swimming lamang tulad ng mga rugby boys na kadalasang tumatalon sa nasabing ilog upang maligo ang babae.

Subalit, ilang minuto pa ang lumipas nang silipin niya ang pinagtalunan ng babae ay nakita niyang nakalutang  ito at hindi gumagalaw.

Kaya’t tumalon din ito sa ilog, upang sagipin at dito ay nararamdaman niyang wala nang hininga at pulso kaya agad nang ipinagbigay-alam sa nakasasakop na barangay na nag-report naman sa Plaza Miranda Police Community Precinct  ng  MPD-station 3.

Show comments