Brgy. Tserman tumba sa tandem

MANILA, Philippines -Pinagbabaril ng dala­wang lalaki na naka- motorsiklo ang isang barangay chairman na minamaneho ang kanyang owner type jeep kahapon ng umaga sa kahabaan ng Barangay Toclong, Kawit, Cavite.

Namatay noon din ang biktima na si Danilo Monton, 63, chairman ng Barangay Bacao 2, Ge­neral Trias, Cavite.

Hindi pa kilala ang dalawang suspek na mabilis tumakas sakay ng motorsiklo nang matiyak na patay na ang kanilang target.

Sa ulat, dakong alas-8:00 ng umaga habang sakay ang biktima sa kanyang owner type jeep (DMN-699) at binabagtas ang nasabing highway  nang dikitan ng mga suspek at sinenyasan na ihinto at itabi ang sasakyan.

Nang tumabi ang biktima ay bigla na lamang itong sunod-sunod na pinagbabaril ng mga suspek gamit ang kalibre 45  sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Nadatnan pa ng mga rumespondeng pulis ang biktima na nasa driver seat pa at naliligo sa sari­ling dugo.

Nabatid na muling nanalo sa nakaraang barangay election ang biktima na nasa kanyang huling termino.

Show comments