Trike driver at motor rider tepok sa salpok ng Porsche

MANILA, Philippines -Patay ang dalawang katao na kinabibilangan ng tricycle driver at ang rider ng motorsiklo matapos na sila ay salpukin ng kotseng Porsche na minamaneho ng isang Belgian national kahapon ng madaling-araw sa kahabaan ng National Highway, Barangay Sto. Tomas, Subic, Zam­ba­les.

Ang mga nasawi ay kinilalang sina Fernando Torres, 47, ng Purok 6, Barangay Roosevelt, Di­nalupihan, Bataan na driver ng motorsiklo (106 UF) at tricycle driver na si Jonathan Paguntalan, 28, ng Barangay Matain, Subic, Zambales.

Nasugatan naman ang driver ng pulang Porsche (ZD 7058) na si Didier Ladriere, 56, Belgian national, ng #999 Cabangaan Point.

Batay sa ulat, dakong alas-3:00 ng madaling-araw ay mabilis na bina­baybay ni Ladriere ang highway patungong norte at nag-overtake at bumulaga sa kanya ang tricycle na minamaneho ni Torres at nasalpok kaya’t tumilapon ito sa isang waiting shed.

Pagkatapos ay nasalpok ng Porsche ang naka­paradang tricycle na minamaneho ni Paguntalan na paalis na sana at tumilapon sa tulay.

Nangako naman ang suspek na sasagutin nito ang lahat ng gastusin.

Show comments