Lalaki na paborito ng bilangguan itinumba

MANILA, Philippines -Isang lalaki na labas-masok sa bilangguan ang pinagbabaril ng hindi pa kilalang gunman habang ito ay naglalakad kahapon ng tanghali sa Quezon City.

Namatay noon din ang biktima dahil sa tama ng bala sa ulo na kinilalang si Peterson Eusebio, 30.

Batay sa ulat, dakong alas-12:00 ng tanghali ay naglalakad ang biktima sa harap ng isang motel na matatagpuan sa Brgy. Nova Proper nang sumulpot ang suspek at malapitang pinagbabaril ng dalawang beses ang biktima sa ulo.

Mabilis namang tumakas ang nag-iisang suspek matapos ang pamamaril na kaswal lang naglakad na tila parang walang nangyari.

Nabatid sa pulisya na nitong Hunyo 2, 2013 ay kalalaya lamang ng biktima sa hindi pa mabatid na kaso at ito umano ay labas-masok sa kulungan dahil sa iba’t ibang kaso.

Show comments