Nagpanggap na pulis nabuko sa suot na rubber shoes

MANILA, Philippines - Dinakip ng mga otoridad ang isang lalaki na nagpanggap na pulis matapos na mabuko na hindi tunay na pulis dahil sa pagsuot ng rubber shoes kahapon sa Quezon City.

Ang suspek ay nakila­lang si Jerry Pamintuan, 42, cons­truction worker na dinakip dakong alas-4:00  ng hapon.

Batay sa ulat, nakasuot ng uniporme ng pulis ang suspek habang nagmamaneho ng motorsiklo sa kahabaan ng K-9th St., Kamuning nang ito ay
maispatan ni PO3 Rodolfo Ramos at ipinahinto nang makita na nakasuot ito ng rubber shoes.

Sa halip na sumunod ay humarurot papalayo ang suspek dahilan para ito ay habulin hanggang sa maaresto sa may panulukan ng Kasing-Kasing Street at Kamias Road.

Nang komprontahin ang suspek ay sumagot ito na “Pulis ako. PO3 ako. PO3 Thompson ng Pampanga Police Station.”

Nang hingin ng kanyang ID at badge, ay wala itong maipakita at nang tingnan ang patches ay nakitang ang ranggo nakalagay ay Inspector at hindi PO3.

 

Show comments