Obiena 7th lang sa Ostrava
MANILA, Philippines — Nagkasya lamang sa ikapitong puwesto si Paris Olympics-bound EJ Obiena sa Ostrava Golden Spike na ginanap sa Czech Republic kahapon.
Kaliwa’t kanang pagsubok ang dinanas ni Obiena na malaking dahilan upang hindi nito makuha ang kanyang winning form.
Nagtala lamang si Obiena ng 5.52 metro at mabigong makapasok sa podium o maduplika man lang ang kanyang bronze finish sa 2023 edisyon ng torneo.
Nasungkit ni world record holder at world champion Armand ‘Mondo’ Duplantis ng Sweden ang gintong medalya bunsod ng naitala nitong 6.0m.
Pumangalawa naman si Ethan Comfort na may malayong 5.62m.
Ikinuwento ni Obiena ang pinagdaanan nito bago ang torneo.
Galing si Obiena sa Los Angeles, California kung saan nakasungkit ito ng ginto sa Los Angeles Grand Prix.
“19th- LA to Europe flight and poles were not accepted due to full cargo space on the flight. We had no where to put the poles or we just miss the flight. Luckily there were two Filipinas that helped and got the poles from check-in counter to cargo and shipped them to the manufacturer,” ani Obiena.
Sa laban nito sa Ostrava, minalas pa si Obiena nang masira ang kanilang pole sa opening bar pa lamang.
Umaasa si Obiena na hindi na ito maulit pa sa kanyang susunod na torneong lalahukan sa Bislett Games sa Norway sa Mayo 30.
- Latest