‘Di na patatagalin ng Gin Kings
MANILA, Philippines — Ayaw nang paabutin ng Barangay Ginebra ang duwelo sa Batangas sa tangkang pagtagay ng tiket sa finals ngayon kontra sa Meralco sa Game 6 ng kanilang 2024 PBA Philippine Cup best-of-seven semifinal series sa Smart-Araneta Coliseum.
Nakakasa ang Game 7 kung sakali sa FPJ Arena sa Batangas subalit walang plano ang Gin Kings na humantong pa doon at itotodo na ang puwersa sa alas-7:30 ng gabi.
Tangan ng mga bataan ni coach Tim Cone ang 3-2 kartada matapos ang 89-84 comeback win sa Game 5 nitong Linggo kaya hindi na magpapatumpik-tumpik pa upang makaabante na sa finals sa ilalim din ng best-of-seven format.
Nag-aabang sa championship round ang San Miguel Beer na winalis ang Rain or Shine, 4-0, sa kabilang bracket.
“I’m sorry to the fans in Batangas but if we don’t see them, Id’ be very, very happy,” ani Cone na ayaw nang bigyan pa ng tsansa ang Bolts sa Game 7 kahit pa magandang regalo sana ang PBA game sa mga Batangueños.
Naiwan ng hanggang 15 puntos na tambak ang Gin Kings sa Game 5 bago ipamalas ang pambatong never-say-die mantra nito tungo sa pambihirang tagumpay.
Bumida sa naturang panalo sina Christian Standhardinger, Japeth Aguilar, Maverick Ahanmisi, Scottie Thompson, Stanley Pringel at LA Tenorio na siyang sasandalan uli ni Cone upang makumpleto ang misyon.
Subalit hindi basta-basta titiklop ang Bolts na hangad maka-kuryente uli upang makapuwersa ng Game 7.
Upang maisakatuparan ito, aasa siya kina Chris Newsome, Chris Banchero, Cliff Hodge, Raymond Almazan, Allein Maliksi at Bong Quinto.
- Latest