Gin Kings tinablahan ang Bolts sa game 4
MANILA, Philippines — Matapos makuryente sa huling dalawang laro, lintik lang ang walang ganti para sa Barangay Ginebra nang lasingin ang Meralco, 90-71, sa Game Four upang itabla ang kanilang semifinals series sa 2024 PBA Philippine Cup kahapon sa Mall of Asia Arena.
Nagpakawala ng 31-15 ratsada ng Gin Kings sa first quarter at hindi na lumingon patungo sa kumbinsidong panalo para sa 2-2 kartada sa best-of-seven series.
Nauwi ngayon sa virtual best-of-three duel ang bakbakan ng dalawang magkaribal tampok ang magwawagi kontra sa mananalo sa pagitan ng San Miguel, may hawak na 3-0 lead, at Rain or Shine.
Wagi ang Gin Kings sa Game One, 92-88, subalit tumiklop sa Game Two, 91-103, at sa Game Three, 80-87, upang maiwan sa serye sa 1-2 bago nakabalikwas sa wakas.
Tumagay ng 21 points, 6 rebounds at 2 blocks si Japeth Aguilar, habang may ambag sa pulutan na 15 at 14 points sina Scottie Thompson at Stanley Pringle, ayon sa pagkakasunod.
Halos triple-double na 15 points, 11 rebounds at 8 assists naman ang kontribusyon ni Christian Standhardinger, habang walang kupas ang kapitang si LA Tenorio na naglista ng pitong puntos at anim na assists.
Lumamang ng hanggang 27 points ang mga bataan ni Tim Cone upang makaiwas sa higanteng 1-3 series deficit.
Nawalan naman ng boltahe ang Bolts nang malimitahan sina Allein Maliksi at Chris Banchero sa tig-14 points.
Kahit ang 10 points ni Chris Newsome ay kinapos.
- Latest