ika-3 panalo hinataw ng Vietnam sa AVC Cup
MANILA, Philippines — Dumiretso ang nagdedepensang Vietnam sa pagtatala ng 3-0 record matapos talunin ang Kazakhstan, 25-14, 25-19, 14-25, 25-23, sa 2024 Asian Volleyball Confederation Challenge Cup for Women kahapon sa Rizal Memorial Coliseum sa Vito Cruz, Manila.
Bumira si opposite spiker Nguyen Thi Bich Tuyen ng 30 points mula sa 26 attacks, tatlong blocks at isang service ace sa pangunguna ng mga Vietnamese sa labanan Pool B.
Laglag ang mga Kazakhs sa 1-1 marka.
“We really didn’t have a game against Kazakhstan for a long time, like six years,” ani Vietnam team captain Tranh Thi Thanh Thuy.
Nauna nang tinalo ng defending champions ang Singapore, 25-8, 29-27, 25-10, at Hong Kong, 25-13, 25-17, 25-16, sa torneong inorganisa ng Philippine National Vollyball Federation (PNVF) sa pamumuno ni Ramon “Tats” Suzara at suportado ng Meralco, PLDT, Smart, Akari, AyalaLand, Nuvali, Foton, POC, PSC, Mikasa, Senoh, Asics, Maynilad, Makati Shangri-La, Rebisco, Cignal, OneSports, OneSports+ at PilipinasLive.
Hangad ng Vietnam na mawalis ang Pool B sa pagharap sa Indonesia bukas ng alas-10 ng umaga.
Samantala, binigo ng Iran ang Chinese-Taipei, 24-26, 25-20, 25-18, 28-26, para sa 1-1 baraha sa Pool A.
- Latest