Lady Blazers may misyon sa Lady Knights
MANILA, Philippines — Pakay ng College of St. Benilde Lady Blazers na ulitin ang title sweep pagharap nila sa Letran Lady Knights sa Game 1 ng best-of-three finals ng NCAA Season 99 women’s volleyball championship na lalaruin sa Filoil EcoOil Arena sa San Juan.
Magsisimula ang paluan ng bola sa pagitan ng CSB at Letran sa alas-2 ng hapon.
Hindi pa nakakatikim ng pagkatalo ang Lady Blazers sa huling 30 laro, nagsimula ito may apat na taon na ang nakalipas.
Para sa Lady Knights, nakabalik sila sa finals matapos ang mahabang panahon na kabiguan, huling kampeonato ng Intramuros-based squad ay noong 1999.
Isa sa mga naging dahilan ng magandang laro ng Letran ay ang bagong coach nilang si Oliver Almadro, dinala ng four-time UAAP champion ang kanyang winning culture sa nasabing eskuwelahan.
“I am not the only one excited; the whole community of Colegio de San Juan de Letran shares this excitement. It’s been a while since the school qualified for the finals,” ani Almadro.
Tumapos sa No. 2 sa eliminations ang Letran, pinasadsad nila sa stepladder semifinals ang No. 3 na Lyceum, 25-15, 25-21, 19-25, 19-25, 15-11.
Inaasahang ibabandera ng Lady Knights sina Marie Judiel Nitura, Angelique Ledesma, Nizelle Martin at Gia Marcel Maquilang upang silatin ang Lady Blazers sa Game 1.
- Latest