Poyos gigil nang rumesbak
MANILA, Philippines — Nakatutok na agad si UAAP Season 86 women’s volleyball Rookie of the Year awardee Angge Poyos sa kanilang misyon sa susunod na taon.
Nais na agad ni super rookie, Poyos na makabawi at masungkit ang minimithing korona.
“Gusto ko na kaagad bumawi. Iniisip ko na next year sa amin naman ‘yung gold, kami naman mahuhulugan ng confetti,” ani Poyos.
Determinado si Poyos na makabawi agad kaya naman nalabanan nito ang lungkot sa pagkatalo nila sa National University Lady Bulldogs sa kanilang best-of-three finals noong Miyerkules ng gabi sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
“Mas malakas talaga ‘yung gigil ko keysa sa lungkot.” ani Poyos na nakapagtala lamang ng isang puntos dahil naiilang pa ito sa kanyang injury na natamo sa set 2 sa Game 1.
Pinaglaro si Poyos ng tatlong sets, starting six siya sa set 1 at 2 galing sa bench sa set 3 pero sa set 4 ay hindi na siya pinaglaro.
“First time ko kasi tumalon kanina. Kaya ko naman pero ginagawa ko nga ‘yung best ko pero kinapos pa rin,” sabi ni Poyos.
Pero masaya si Poyos sa naging kampanya ng UST ngayong season, kahit bata sila sa laban ay naipakita nila ang kanilang kakayahang makipagpaluan ng bola sa mga tigasing volleybells.
- Latest