Eala pasok sa 2nd round ng Madrid Open
MANILA, Philippines — Inaasahang muling ilalatag ni Alex Eala ang matikas na porma nito sa second round dahil haharapin nito si world No. 30 Sorana Cîrstea ng Romania sa Madrid Open na ginaganap sa Madrid, Spain.
Mapapalaban ang 18-anyos Pinay netter na maglalabas ng pinakamalakas na puwersa para muling magtala ng upset win at makapasok sa third round ng event.
Maganda ang rekord ni Cîrstea na nasa No. 22 sa world ranking ng Women’s Tennis Association (WTA) noong Pebrero at Marso.
Malalim din ang karanasan nito na sumasalang na sa malalaking WTA tournaments na magsisilbing armas nito kontra kay Eala.
Sa kabilang banda, kasalukuyang nasa ika-170 si Ealat sa WTA rankings.
Sariwa pa si Eala sa matamis na tagumpay kay world No. 41 Lesia Tsurenko ng Ukraine sa first round noong Martes.
Masama ang simula ni Eala na lumasap ng 2-6 kabiguan sa first set.
Subalit hindi agad ito nawalan ng pag-asa.
Bumanat ng matitinding atake at serves si Eala sa mga sumunod na sets upang pigilan ang Ukrainian netter sa pamamagitan ng 2-6, 6-4, 6-4 come-from-behind win.
Ayon sa post ng Rafa Nadal Academy, ito ang unang panalo ni Eala sa WTA 1000 event.
Itinuring pa ito ng academy na “the biggest match of her career.”
Iskolar si Eala ng Rafa Nadal Academy na pag-aari ni many-time Grand Slam champion Rafael Nadal ng Spain.
- Latest