Phoenix humihinga pa
MANILA, Philippines — Dinagit ng Phoenix ang NLEX, 112-77, upang buhayin ang pag-asa nitong makapasok sa playoffs ng 2024 PBA Philippine Cup kahapon sa Ynares Sports Arena sa Pasig.
Matayog agad ang naging lipad ng Fuel Masters sa first half bago lalong umalagwa sa fourth quarter tampok ang 33-15 scoring tungo sa pambihirang 35-point win.
Ito ang pinakamalaking panalo ng Phoenix sa Philippine Cup history ng prangkisa at pangatlo sa kabuuan sa likod ng 135-84 panalo kontra sa Terrafrima noong 2023 Commissioner’s Cup at 132-91 tagumpay kontra sa NorthPort noong 2018 Governors’ Cup.
Angat sa 3-5 ang Phoenix, semifinalist ng Commissioner’s Cup, upang makalapit sa Meralco (3-4) at Terrarfirma (4-5) na nag-aagawan sa No. 8 spot para sa huling tiket sa quarterfinals.
Nagbuslo ng 6 na tres ang kapitang si RJ Jazul tungo sa 19 puntos sahog pa ang 4 rebounds at 4 assists sa 21 minutong aksyon lang upang banderahan ang atake ng Fuel Masters.
Kagagaling lang ng Phoenix sa 107-93 kabiguan kontra sa Magnolia na ginawa nilang inspirasyon upang kumaripas agad sa 51-39 na abante sa halftime.
Nalasap ng NLEX ang pangalawang pinakamalaking tambak nito sa franchise history matapos ang 112-75 kabiguan kontra sa Barangay Ginebra noong 2018 PBA Governors’ Cup.
- Latest