Petro Gazz, Chery Tiggo at PLDT lalapit sa Final 4
MANILA, Philippines — Tatlong koponan ang didikit sa semifinals berth sa krusyal na bahagi ng elimination round ng 2024 Premier Volleyball League All-Filipino Conference sa Sta. Rosa Sports Complex sa Laguna.
Lalabanan ng Petro Gazz ang Galeries Tower ngayong alas-2 ng hapon, habang haharapin ng Chery Tiggo ang Akari sa alas-4 ng hapon.
Sa alas-6 ng gabi ay sasagupain ng PLDT Home Fibr ang Cignal HD.
Magkasosyo sa liderato ang Choco Mucho at nagdedepensang Creamline sa magkatulad nilang 8-2 record kasunod ang Petro Gazz (7-2), PLDT (7-2), Chery Tiggo (7-2), Cignal (5-4), Akari (4-5), Farm Fresh (3-7), Nxled (3-6), Galeries (3-6), Capital1 (1-8) at Strong Group Athletics (0-10).
Wala pa sa Flying Titans, Cool Smashers, Gazz Angels, High Speed Hitters at Crossovers ang nakakatiyak ng semis ticket.
Lumabo naman ang pag-asa ng HD Spikers.
Umiskor ang Petro Gazz ng 25-13, 25-18, 25-17 panalo kontra sa Cignal para patibayin ang tsansa sa semis.
“Mas lumilinaw po iyong daan papunta sa semis pero hindi pa rin po tapos iyong eliminations, hindi pa rin po kami puwedeng mag-relax,” ani Gazz Angels team captain Remy Palma.
Hangad rin ng High Speed Hitters at Crossovers ang mahalagang panalo sa kanilang mga laro.
- Latest