Petro Gazz target ang ika-3 sunod

Vanie Gandler at Brooke Van Sickle

MANILA, Philippines — Ang ikatlong sunod na ratsada ang misyon ng Petro Gazz sa pagsagupa sa Cignal HD sa 2024 Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference.

Magtutuos ang Gazz Angels at HD Spikers ngayong alas-4 ng hapon kasunod ang upakan ng PLDT High Speed Hitters at Chery Tiggo Crossovers sa alas-6 ng gabi sa Philsports Arena sa Pasig City.

Solo ng Choco Mucho ang liderato bitbit ang 8-1 record kasunod ang PLDT (7-1), nagdedepensang Creamline (7-2), Petro Gazz (6-2), Chery Tiggo (6-2), Cignal (5-3), Akari (4-5), Nxled (3-6), Ga­leries Tower (3-6), Farm Fresh (2-7), Capital1 (1-8) at ASG (0-9).

Matapos yumukod sa Crossovers noong Marso 21 ay dalawang sunod na panalo ang inilista ng Gazz Angels laban sa Solar Spikers at Cool Smashers para palakasin ang tsansa sa semifinals.

Sa 15-25, 25-18, 24-26, 25-19, 15-13 pagtakas sa Creamline noong Abril 6 ay humataw si Fil-Ame­rican Brooke Van Sickle ng career-high 29 points mula sa 23 attacks, apat na blocks at dalawang aces.

Nakalasap naman ang HD Spikers ng 24-26, 20-25, 24-26 pagkatalo sa Crossovers noong Abril 11.

Bukod kay Van Sickle, muli ring aasahan ng Petro Gazz sina Jonah Sabete, Remy Palma, Myla Pablo, Mich Morente at Mary Joy Dacoron katapat sina Vanie Gandler, Jovs Gonzaga, Roselyn Doria, Gel Cayuna, Ces Molina at Riri Meneses ng Cignal.

Sa ikalawang laro, hangad naman ng PLDT na makasosyo sa liderato ang Choco Mucho sa pagsagupa sa Chery Tiggo na nasa isang four-game winning streak.

Show comments