Ateneo kinalsuhan ang 2-game skid
MANILA, Philippines — Ganado pa ring maglaro si Lyann Marie Loise De Guzman kahit laglag na ang Ateneo sa asam na Final Four.
Ipinakita pa rin ni De Guzman ang kanyang husay upang tulungan ang Lady Eagles na dagitin ang University of the East Lady Warriors, 25-17, 23-25, 25-23, 25-16, sa UAAP Season 86 women’s volleyball tournament kahapon sa SM Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Nilipad ni De Guzman ang 25 points mula sa 21 attacks, tatlong blocks at isang service ace para tulungan ang Ateneo na kalsuhan ang two-game losing skid.
May kartang 4-8 ang Katipunan-based squad para sa pang-limang puwesto.
Ngunit wala na silang pag-asa pang makahabol sa No. 4 spot na hawak ng Far Eastern University Lady Tamaraws (7-4).
Nagrehistro rin si Geezel May Tsunashima ng 18 points, habang 13 at 12 markers ang ambag nina Sophia Beatriz Buena at Alexis Ciarra Miner, ayon sa pagkakasunod.
Pakay ng Ateneo makahirit pa ng panalo sa Linggo kontra sa karibal at defending champions De La Salle University Lady Spikers sa Smart Araneta Coliseum.
Tumikada si Casiey Dongallo ng 27 points para sa Lady Warriors na nalasap ang pang-siyam na talo sa 11 laro, habang bumakas si KC Cepada ng siyam na puntos.
Susubukan ng UE na makasungkit ng panalo sa pagharap nila sa FEU.
- Latest