Bucks tinapos ang 2-dikit na kamalasan

Lumipad si Giannis Antetokounmpo ng Bucks para sa kanyang dakdak kay Vit Krejci ng Hawks.
STAR/File

ATLANTA — Nagsalpak si Giannis Antetokounmpo ng anim na matitinding dunks at tumapos na may 36 points para banderahan ang Milwaukee Bucks sa 122-113 pagsuwag sa Hawks.

Humakot din si Antetokounmpo ng 16 rebounds at 8 assists habang may 21 markers si Khris Middleton para tapusin ng Milwaukee (47-27) ang kanilang two-game losing skid.

Humataw si Bogdan Bogdanovic ng 38 points sa panig ng Atlanta (34-40) na nagwakas ang four-game winning streak.

Nagdagdag si Dejounte Murray ng 20 points, 12 assists at 8 rebounds para sa Hawks na nakalapit sa 89-94 agwat sa fourth period bago nagsalpak sina Middleton at Brook Lopez ng magkasunod na triples na muling naglayo sa Bucks.

Sa New Orleans, kuma­mada si Jayson Tatum ng 23 points at nakabangon ang Boston Celtics (58-16) mula sa magkasunod na kabiguan sa 104-92 paggupo sa Pelicans (45-29).

Sa Orlando, tumipa si Wendell Carter Jr. ng 15 points at 13 rebounds at may tig-15 markers sina Jalen Suggs at Cole Anthony sa 118-88 panalo ng Magic (43-31) sa Memphis Grizzlies (24-50).

Show comments