Sotto masaya sa sistema ni Cone
MANILA, Philippines — Masaya si Kai Sotto sa pamamalakad ni veteran coach Tim Cone na nakasama nito sa ilang linggong training camp at dalawang laro ng Gilas Pilipinas.
Mainit ang palad ni Sotto sa unang laro ng Gilas Pilipinas kung saan kumana ito ng 13 puntos at 15 boards sa 94-64 panalo ng tropa kontra sa Hong Kong sa Fiba Asia Cup 2025 qualifiers.
“Maaga pa, pero sa lahat ng linaruan kong coaches at sistema, dito ako pinaka-komportable siguro,” ani Sotto.
Iba ang sistema ni Cone kumpara sa ibang mga coaches.
Naniniwala si Sotto na swak na swak ang estilo nito sa sistema ni Cone.
“I think ‘yung sistema ni coach Tim, sakto sa akin or sakto ako sa sistema ni coach. Basta ganun, kumportable ako,” ani Sotto.
Nakabalik na sa Japan si Sotto para makasama ang Yokohama sa kampanya sa Japan B.League.
Babalik sa bansa si Sotto sa Hunyo para muling sumalang sa ensayo kasama ang Gilas Pilipinas para paghandaan naman ang FIBA Olympic Qualifying Tournament na idaraos sa Hulyo.
Ang Olympic qualifiers ang magiging tulay ng Gilas Pilipinas para makapasok sa 2024 Paris Olympics.
- Latest