Lady Warriors silat sa Lady Tams
MANILA, Philippines — Kinailangan ng Far Eastern University Lady Tamaraws ng limang set upang suwagin ang University of the East Lady Warriors, 22-25, 25-17, 25-18, 25-27, 15-11 sa UAAP Season 86 women’s volleyball tournament na nilaro sa Mall of Asia Arena sa Pasay City, kahapon.
Naligtasan ng Lady Tamaraws ang mainit na opensa ni rookie Casiey Dongallo kung saan ay naakbayan nito ang Lady Warriors na makahirit ng fifth set.
Nilista ng FEU ang 2-1 karta habang nalasap ng Lady Warriors ang pangalawang talo sa tatlong laro.
Natisod muna ang Lady Tamaraws sa unang set, pero bumangon agad para sagasaan ang second at third frames at mamuro sa pagsilo ng panalo.
Pero hindi naging madali ang bakbakan, nakahirit ng deciding fifth set ang Lady Warriors matapos ang makapigil hiningang 27-25 fourth frame panalo.
Sa set 5 nanatili ang bangis ng Lady Tams, ipinaramdam nila ito sa Lady Warriors ng makalamang ng tatlo, 10-7.
“Naging hard yung game gawa ng both teams galing sa talo, gustong parehong bumawi kaya ayun naging maganda yung laban, mataas yung emosyon,” ani FEU head coach Manolo Refugia.
Sunod na makakalaban ng FEU Lady Tamaraws ang University of Santo Tomas Golden Tigresses sa Marso 3 sa MOA.
- Latest