Gilas haharap sa HK sa qualifiers
MANILA, Philippines — Makuha ang importanteng unang panalo ang tatargetin ng Gilas Pilipinas sa pagharap sa Hong Kong sa first window ng FIBA Asia Cup Qualifiers 2025 sa Tsuen Wan Stadium sa Hong Kong.
Nakatakda ang engkuwentro ng Gilas Pilipinas at Hong Kong ngayong alas-8 ng gabi kung saan pakay ng tropa ang pambuenamanong panalo.
Tiyak na daragsa sa venue ang mga Overseas Filipino Workers sa Hong Kong kaya’t ibubuhos ng Gilas Pilipinas ang lahat upang maibigyan ng kasiyahan ang mga Pinoy fans doon.
Alam ni Gilas Pilipinas head coach Tim Cone na mataas ang expectations ng fans sa kanilang tropa.
Ngunit tiwala si Cone na magbibigay ng magandang laban ang Gilas Pilipinas na sumalang sa matidning ensayo sa Inspire Sports Academy sa Calamba, Laguna bago tumulak sa Hong Kong.
“At the Inspire camp, everything was foundational. We’re not gonna take any shortcut, not gonna jump around but build consistently forward,” ani Cone.
Magandang simula ito para sa Gilas Pilipinas players na siyang huhubugin sa loob ng apat na taon upang sumabak sa malalaking international tournaments na darating.
“It’s important that we win, but it’s more important we build on foundation and the next one after that,” dagdag ni Cone.
Ipaparada ng Gilas Pilipinas sina naturalized player Justin Brownlee, Japeth Aguilar, Scottie Thompson, Jamie Malonzo, CJ Perez, Calvin Oftana, Chris Newsome, Kai Sotto, Carl Tamayo, Dwight Ramos at Kevin Quiambao.
- Latest