Gilas lilipad na patungong Hong Kong
MANILA, Philippines — Nakatakdang umalis ang delegasyon ng Gilas Pilipinas ngayong araw para sa first window ng FIBA Asia Cup Qualifiers 2025 na idaraos sa Pebrero 22 sa Tsuen Wan Sports Centre sa Hong Kong.
Lalarga ang Gilas Pilipinas sa alas-10 ng umaga.
Sa oras na makapag settle na, inaasahang sasalang agad ito sa ensayo upang makaagapay sa klima.
Mas malamig ng bahagya sa Hong Kong kumpara sa Maynila ngunit hindi naman ito magiging problema para sa Gilas Pilipinas.
Bago ang laban ng Gilas Pilipinas kontra sa Hong Kong sa Pebrero 22, may isang buong araw ang Pinoy squad para sumalang sa magagaan na workout.
Babanderahan ang Gilas Pilipinas ni naturalized player Justin Brownlee kasama ang Ginebra teammates nitong sina Scottie Thompson, Jamie Malonzo at Japeth Aguilar na siyang humalili sa puwesto ni AJ Edu na may iniindang injury.
Kasama rin sina Meralco wingman Chris Newsome, TNT standout Calvin Oftana, Commissioner’s Cup Finals MVP CJ Perez, at sina Japan B.League imports Dwight Ramos, Carl Tamayo at Kai Sotto.
Nasa lineup din si reigning UAAP MVP Kevin Quiambao ng De La Salle University.
Hindi kasama si seven-time PBA MVP June Mar Fajardo na nagpapagaling pa sa injury na tinamo nito sa Commissioner’s Cup finals series ng San Miguel Beermen laban sa Magnolia Hotshots.
Wala rin si Edu na nagtamo naman ng torn meniscus habang naglalaro ito para sa Toyama Grouses sa Japan B.League.
Matapos ang laro laban sa Hong Kong, babalik sa Maynila ang Gilas para naman makaharap ang Chinese-Taipei sa Pebrero 25 sa Philsports Arena sa Pasig City.
- Latest