Ando binuhat ang bronze sa Asiad
MANILA, Philippines — Bigo si weightlifter Hidilyn Diaz na mabuhat ang gold medal, ngunit sinagip ni Elreen Ando ang pagkakabokya ng Pilipinas sa 19th Asian Games sa Hangzhou, China kahapon.
Inangkin ni Ando ang bronze matapos magtala ng 96kg sa snatch at 126kg sa clean and jerk para sa total lift na 222kg sa women’s 64 kilograms class.
Ito ang pang-walong tanso ng Pinas sa Asiad bukod sa ginto ni pole vaulter EJ Obiena at silver ni sanda fighter Arnel Mandal sa wushu.
Tumapos naman ang Tokyo Olympic gold medalist na si Diaz sa fourth place sa kanyang total lift na 223kg mula sa 97kg sa snatch at 126kg sa clean and jerk sa women’s 59kg.
Napilitan si Diaz na lumaban sa 59kg dahil inalis sa 2023 Asiad at 2024 Paris Olympics ang nilalaruan niyang 55kg kung saan siya nagreyna sa Tokyo Olympics at sa 2018 Asiad sa Palembang, Indonesia.
Sa men’s basketball, nirapido ng Gilas Pilipinas ang Qatar, 80-41, sa knockout game para harapin ang Iran sa quarterfinals ngayong alas-12 ng tanghali.
Nakatakda namang labanan ni Tokyo silver medalist Carlo Paalam si reigning world champion Carlo Khalokov Abdumalik ng Uzbekistan sa quarterfinals ng men’s.57kg ngayong alas-7:30 ng gabi.
Sa athletics, swak sa finals ng women’s 400m hurdles sina Lauren Hoffman at Robyn Brown.
Minalas sa finals sina Kristina Knott (women’s 200m), John Tolentino (men’s 110m hurdles), William Morrison (men’s shot put) at Sarah Dequinan (women’s heptathlon).
Sa women’s softball, tumapos sa fourth place ang RP Blu Girls mula sa 2-3 kabiguan sa Chinese Taipei sa kanilang bronze medal match.
- Latest