Gilas iiwas masibak sa World Cup

Dinakdakan ni small forward Rhenz Abando ng Gilas Pilipinas si Gerson Goncalves ng Angola.
Jun Mendoza

MANILA, Philippines — Dalawang bagay lamang ang dapat gawin ng World No. 40 Gilas Pilipinas para sa tsansang ma­kaabante sa second round ng 2023 FIBA World Cup.

Ito ay ang talunin ang No. 10 Italy ng 13 o higit pang puntos at ipanala­ngin na matalo ang No. 41 Angola laban sa No. 23 Dominican Republic sa Group A.

Sasagupain ng Natio­nals ang mga Italians nga-yong alas-8 ng gabi matapos ang salpukan ng mga Dominicans at Angolans sa alas-4 ng hapon sa huling laro sa group stage sa Smart Araneta Coliseum.

May 0-2 baraha ang Gilas Pilipinas matapos tumukod sa Dominican Republic, 81-87, at kumulapso sa Angola, 70-80, na naglagay sa kanila sa balag ng alanganin.

“It’s tough but we gotta get over it. We got games to play. That’s all we can do,” sabi ni Fil-Am guard Jordan Clarkson na naglista ng  21 points, 7 rebounds at 3 assists laban sa Angola.

Nagmula naman ang Italy sa 82-87 pagyukod sa Dominican Republic para sa kanilang 1-1 kartada kagaya ng Angola.

Sakaling magtabla ang Gilas, Italy at Angola sa 1-2 ay gagamitin ng FIBA ang tiebreaker para madetermina kung sino ang makakakuha sa ikalawang silya sa second round.

Ang mga Italians ay may +14 point difference at may -4 ang mga Angolans at may -10 ang Nationals.

Tinalo ng Italy ang Angola, 81-67, noong nakaraang Biyernes kaya malaki ang kanilang point differential advantage.

Muling sasandalan ni coach Chot Reyes sina six-time PBA MVP June Mar Fajardo, Roger Pogoy, 7-foot-3 Kai Sotto, 6’10 AJ Edu at Scottie Thompson.

Sa Smart Araneta Coliseum, kumamada si Carlik Jones ng 21 points, 5 assists, 2 rebounds at 1 steal para gi­yahan ang South Sudan (1-1) sa 89-69 paglampaso sa China (0-2) sa Group B.

Sa MOA Arena sa Pasay City, itinakas ng New Zealand (1-1) ang 95-87 overtime win kontra sa Jordan (0-2) sa Group C.

Sa Oinawa Arena sa Japan, inilista ng Cape Verde (1-1) ang una nilang panalo sa Group F matapos tangayin ang 81-75 tagumpay sa Ve­nezuela (0-2).

Show comments