Cool Smashers, Ablaze bakbakan para sa PVL crown

Sina Jema Galanza
STAR/ File

MANILA, Philippines — Kasado na ang lahat para sa inaabangang mu­ling salpukan ng defen­ding champion Creamline at Kurashiki sa finals ng Premier Volleyball League (PVL) Invitational Conference ngayong araw sa PhilSports Arena sa Pasig City.

Magpapang-abot ang Cool Smashers at Ablaze sa alas-6:30 ng gabi matapos ang battle-for-third match ng F2 Logistics Cargo Movers at Cignal HD Spi­kers sa alas-4 ng hapon.

Nagharap na ang Creamline at Kurashiki noong Biyernes sa hu­ling araw ng semifinals kung saan nanalo ang Japanese squad, 25-20, 25-21, 18-25, 25-14 sa kanilang non-brearing game.

Matikas na winalis ng Kurashiki ang lahat ng limang asignatura nito sa semis habang nahulog sa 4-1 marka ang Creamline.

Ngunit burado na ang lahat ng ito.

Pinaka-importante ang paghaharap ng Creamline at Kurashiki sa championship showdown nito.

“We really want to win. Our Friday’s game allowed both teams to see each other’s tendencies. The team with a stronger resolve will win,” ani Ablaze head coach Hideo Suzuki sa pamamagitan ng interpreter.

Isa sa aasahan ng Ablaze si libero Takahashi Kaoru na solido ang floor defense kung saan nakalikom ito ng 16 excellent digs.

Inaasahang ilalabas ng Cool Smashers ang tunay na laro nito sa finals para madepensahan ang kanilang korona.

Mangunguna sa ratsada ng Creamline sina Alyssa Valdez, Jema Galanza at Tots Carlos na siyang pangunahing pinagkukunan ng puntos ng kanilang tropa.

Hahataw din si middle blocker Ced Domingo na nakapagpahinga matapos hindi maglaro noong Biyernes.

Show comments