Bornea olats; Ancajas wagi

Hindi nailagan ni Pinoy challenger Jade Bornea ang matulis na left straight ni Argenti­nian champion Fernando Martinez sa kanilang title fight.
Russell Cadayona

MANILA, Philippines — Bigo si Jade Bornea sa kanyang misyon.

Natalo ang Pinoy challenger kay world super flyweight champion Fernando Martinez ng Argentina via 11th-round stoppage kahapon sa title fight na ginanap sa The Armory sa Minnesota.

Itinigil ni referee Charlie Fitch ang laban sa 2:29 minuto para patuloy na isuot ni Martinez ang kanyang International Boxing Federation (IBF) crown na inagaw niya kay Jerwin Ancajas noog Pebrero ng nakaraang taon.

Ito ang unang kabiguan ng 28-anyos na si Bornea sa kanyang 19 laban, habang inilista naman ng 31-anyos na si Martinez ang ika-16 sunod na panalo kasama ang siyam na knockouts.

Naging agresibo si Bornea sa kaagahan ng upakan bago kontrolin ni Martinez ang laban pagdating sa ninth round kung saan niya napadugo ang kanang te­nga ng Pinoy fighter.

Hindi ito ininda ni Bornea at pumayag na ituloy ang laban matapos tanungin ni Fitch.

Pagdating sa Round 11 ay magkakasunod na right hand ang pinakawalan ni Martinez sa tubong General Santos City at hindi na nakapalag sa Argentinian.

Dito na inihinto ni Fitch ang bakbakan.

Samantala, pinabagsak ni Ancajas (34-3-2, 23 KOs) si Wilner Soto (22-13-0, 12 KOs) sa fifth round sa kanilang eight-round, non-title super bantamweight fight.

Show comments