Mission accomplished
MANILA, Philippines — Masaya ang holiday season ng Petro Gazz na sariwa pa sa matagumpay na pagdepensa sa korona ng Premier Volleyball League (PVL) Reinforced Conference kamakalawa sa Philsports Arena sa Pasig City.
Inilabas ng Gazz Angels ang lahat ng bangis nito para matikas na payukuin ang Cignal HD Spikers sa pamamagitan ng 25-17, 22-25, 25-12, 25-22 panalo sa Game 2 para makumpleto ang matamis na sweep sa best-of-three championship series.
Ito ang ikalawang sunod na korona ng kanilang tropa sa Reinforced Conference matapos mamayagpag noong 2019 edisyon.
Nais ng team na i-alay ang panalo sa mga veteran players nito na sila opposite spiker Aiza Maizo-Pontillas at playmaker Chie Saet.
“Siyempre sobrang saya. Lalo dun sa mga players na gusto talaga naming i-alay yung game sila Nang (Maizo-Pontillas), Chie (Saet), yung mga ate ng team and yun nga, knowing yung mga sacrifices na ginawa namin so sulit naman,” ani Gazz Angels head coach Rald Ricafort.
Itinanghal na Best Foreign Guest Player si American import Lindsey Vander Weide habang nasungkit din nito ang Finals MVP award.
Napasakamay naman ni Myla Pablo ang Second Best Outside Hitter award habang Best Middle Blocker naman si MJ Phillips.
Maliban kina Vander Weide, Pablo at Phillips, nagningning din ang ilang players na nakasama sa individual awardees.
Kasama na rito si Conference MVP Mylene Paat ng Chery Tiggo na siya ring ginawaran ng Best opposite Spiker award.
First Best Outside hitter naman si Alyssa Valdez ng Creamline habang Best Middle Blocker din si Roselyn Doria ng Cignal.
Nasikwat ni Jia Morado ng Creamline ang Best Setter habang Best Libero si Buding Duremdes ng Chery Tiggo.
Asahan ang mas matitinding aksyon sa 2023 season ng PVL kung saan inaasahang madaragdagan ang mga teams na sasabak.
- Latest