NLEX, Rain or Shine agawan sa No. 8 seat
MANILA, Philippines — Paglalabanan ng Rain or Shine at ng NLEX ang huling silya sa eight-team quarterfinal round ng 2022 PBA Commisioner’s Cup.
Magtutuos ang Elasto Painters at ang Road Warriors ngayong alas-6:30 ng gabi sa kanilang knockout playoff sa PhilSports Arena sa Pasig City.
Ang mananalo ang uupo sa No. 8 katapat ang No. 1 Bay Area Dragons na may bitbit na ‘twice-to-beat’ advantage sa quarterfinals.
Umiskor ng dalawang sunod na panalo ang NLEX mula sa 120-117 paggulat sa No. 3 Barangay Ginebra at 92-81 pagdaig sa sibak nang Meralco para makasikwat ng playoff sa No. 8 spot
Nakalasap naman ang Rain or Shine ng 90-106 kabiguan sa No. 2 Magnolia Hotshots noong Biyernes.
Si Frankie Lim ang pumalit kay Yeng Guiao nang iwanan nito ang Road Warriors at bumalik sa Elasto Painters.
Sa paggiya ni assistant coach Adonis Tierra ay tinalo ng NLEX ang Rain or Shine, 96-90, sa una nilang pagtatagpo.
“They’re playing well, at least better now,” wika ni Guiao sa Road Warriors.
“Maybe they’re getting their rhythm and getting used to a new system. So it’s going to be a big challenge. Plus iyong import nila, maayos naman eh. High-scoring import,” dagdag nito.
Ang tinutukoy ni Guiao ay si dating NBA player Earl Clark na kinuha niya para sa NLEX.
Nagposte si Clark ng mga averages na 31.9 points, 15.9 boards, 3.9 assists at 2.4 blocks.
“Pagka kasi medyo sumasama iyong laro ng import, sama sila eh. Pagka gumaganda iyong laro ng import, ganda rin laro nila. So I think the key is really trying to manage or contain the scoring of the import,” obserbasyon pa ni Guiao.
Itatapat ng Rain or Shine kay Clark si import Ryan Pearson katuwang sina Rey Nambatac, Gabe Norwood, Santi Santillan at Anton Asistio.
Sina Kevin Alas, Don Trollano at big man Brandon Ganuelas-Rosser ang sasandigan naman ni Lim sa panig ng NLEX.
Samantala, kaagad umabante ang San Miguel sa quarterfinals ng PBA 3x3 Leg 5 Second Conference kahapon sa Robinsons Place Novaliches.
Binanderahan ni Jeff Manday ang pagwalis ng Beermen sa Blackwater, 21-15, at TNT (21-19) sa Pool D.
- Latest