MANILA, Philippines — Ipinagpaliban na ng Philippine Superliga (PSL) ang lahat ng naka-schedule na laro simula bukas bilang pag-iingat sa banta ng COVID-19.
Sa pahayag ng liga kahapon ay napagpasyahan ng PSL Board na tuluyan nang kanselahin ang mga laro taliwas sa naunang ‘closed-door game’ policy na kanilang iminungkahi.
“After thorough deliberation regarding the COVID-19 outbreak, it is with a heavy heart that the PSL Board decided to postpone all games until further notice. This is to minimize potential exposure and spread of the virus,” pahayag ng PSL.
Mahigpit nilang babantayan ang sitwasyon patungkol sa COVID-19 para malaman kung kailan nila maaring ipagpatuloy ang mga nakabinbin na laro.
“The PSL will closely monitor the situation in order to determine the resumption of the games. In the meantime, stay safe, wash your hands and take care of each other.”
Maghaharap sana bukas sa Muntinlupa Sports Complex ang PLDT Home Fibr Hitters at Petron Blaze Spikers sa alas-11 ng umaga at susundan ng tapatang Chery Tiggo Crossovers at Cignal HD Spikers sa ala-1 ng hapon at sa alas-3 ang banggaan ng Generika-Ayala Lifesavers at Sta. Lucia Lady Realtors.
Ang PSL ang pinakabagong dagdag sa listahan ng mga local league na nagdesisyong kanselahin ang lahat ng laro dahil sa banta ng COVID-19.
Ipinagpaliban ng UAAP ang lahat ng kanilang events mula noong Martes.