Fronda umakyat sa 11th place sa chessfest

MANILA, Philippines — Nabigo man si Allaney Jia Doroy ay umarangkada naman ang kababayang si Woman International Master Jan Jodilyn Fronda  matapos pataubin si WFM Aashna Makhija ng Iran para umangat sa pang-11 puwesto sa 7th Asian Conti­nental Chess Championship (2nd Manny Pacquiao Cup) women’s division no­ong Sabado ng gabi sa Tiara Hotel sa Makati City.

Sa kanyang panalo sa sixth round ay lumapit ang 24-anyos na Olympiad ve­teran na si Fronda sa top ten mula sa kanyang 3.5 puntos.

Kasama ng dating De La Salle University standout si Woman GM Nguyen Thi Thanh ng Vietnam sa seven-player logjam.

Ito ang ikatlong sunod na panalo ni Fronda matapos talunin sina Wang Ying ng New Zealand at kababayang si Christy Lamiel Bernales sa second round.

Naputol naman ang arangkada ng 17-anyos na si Doroy makaraang matalo kay WIM Gu Tianlu ng China at bumaba sa six-way tie sa 18th spot.

Bukod kay Doroy, ang iba pang Pinay na may tatlong puntos ay sina WGM Janelle Mae Frayna at WFM Shania Mae Mendoza.

Sa men’s division, nakipag-draw si GM John Paul Gomez kay GM Tran Tuan Mih ng Vietnam, habang nanaig si GM Joey Antonio kay Edsel Montoya at tumabla si IM Ricky De Guzman kay GM Tan Zhongyi ng China.

Show comments