Si Ladon na lang ang pag-asa
MANILA, Philippines — Namaalam na rin sa kontensiyon ang dalawa pang miyembro ng national boxing team sa 2018 President’s Cup International Boxing Tournament na ginaganap sa Daulet Sports Complex sa Astana, Kazakhstan.
Hindi umubra ang lakas ng bagitong si Ramel Macado kontra sa beteranong si Hasanboy Dusmatov ng Uzbekistan matapos lumasap ng unanimous decision loss sa semifinals ng men’s light flyweight (46-49 kg.) class.
Dahil sa kabiguan, magkakasya lamang si Macado sa tansong medalya.
Nauna nang nagtala ng impresibong panalo si Macado laban kay Erzhan Zhomart ng Kazakhstan sa quarterfinals bago yumuko sa Uzbek fighter na ‘di hamak na mas malalim ang karanasan.
Sa kabilang banda, nagtala si Jeorge Edusma ng split decision win kontra kay Xu Boxiang ng China sa first round ngunit natalo ito kay reigning AIBA World Championship gold medalist Kayrat Yeraliyev ng Kazakhstan sa quarterfinals ng men’s bantamweight (56 kg.).
Dahil dito, tanging si Rio Olympics veteran Rogen Ladon na lamang ang nalalabing pag-asa ng Pilipinas para makahirit ng gintong medalya.
Nakatakdang harapin ni Ladon ang mananalo kina Yurachai Wuttichai ng Thailand at Sachiin ng India sa men’s flyweight (52 kg.).
Isa-isang namaalam sa kontensiyon sina Incheon Asian Games silver medallist Charly Suarez (men’s lightweight - 60 kg.), Southeast Asian Games champion Marvin John Tupas (men’s light heavyweight - 81 kg.) at Caroline Calungsod (women’s 57 kg. class).
- Latest